.

Was Villar really that poor?

>> Sunday, February 21, 2010

Lito Banayo's opinion posted in Abante made a lot of sense:

Ngayon, suriin natin si Manuel Bamba Villar Jr. Oo nga at pinanganak sa Tondo, sa hindi naman ubod ng maralita, ngunit aminadong payak na pinagmulatan. Isang empleyado sa gobyerno ang ama, at isang nagtitinda ng isda sa palengke ang ina. Gitnang hanay, wika nga. Ilan ba naman sa mga naghihikahos ang may trabaho sa gobyerno ang ama (sa noon ay pinagsamang Department of Agriculture and Natural Resources, hindi pa nahihiwalay), at may pwesto sa palengke ang ina?

Ang aking lola ay nag-umpisa rin bilang tindera sa palengke, at ang ina ko ay marunong ding sumalat ng isda’t hipon, ngunit gaya ni Villar, napagtapos naman ng kurso sa kolehiyo. At kaming mga anak ay napagtapos din, na hindi naman ako humipo ng isda. Ginagalang ko ang mga taong sa sipag at tiyaga ay umasenso.

At totoo rin namang si Villar ay nagnegosyo ng gravel and sand, dahil may pagsusuplayan naman, ang mga subdivision na pag-aari ng pamilya ng kanyang asawa. At hindi rin maitatanggi na maabilidad at masipag si Villar, at ang unang pag-asenso ay dahil dito.

Ang tanong ko lamang --- nang siya at kanyang maybahay na si Cynthia ay inihalal bilang congressman, congresswoman, at senador, at si Manny Villar ay naging Speaker pa mandin, at pagkatapos ay Se­nate President, ginamit ba niya ang kapangyarihan, ang impluwensya, upang lalong yumaman? Inabuso ba niya ang kapangyarihang dulot ng posisyon? Nakinabang ba siya, o ang kanyang pamilya, at mga negosyong kanilang pag-aari, sa paggamit ng kapangyarihang iyan?

Bakit hindi niya lantarang sabihin sa kanyang mga kasamahan sa Senado ang ginawa niyang pagpapaliko ng kalsadang C-5, upang daanan ang kanyang mga ari-ariang lupain? Bakit mas mataas ang bayad sa kanyang mga lupa (14,000 pesos kada metro kuwadrado), samantalang ang karatig halimbawa na lupa ng pamilya ni Rep. Ompong Plaza na ngayon ay tumatakbong senador sa tiket ni Erap, ay binayaran lamang ng 4,000 pesos bawat metro kuwadrado? Bakit inaksaya niya ang halos 2 bilyong pisong naibayad na ng pamahalaan kay Bro. Mike Velarde, na ang lupa ang siyang orihinal na tutuhugin ng C-5, dahil pinalihis niya ang kalsadang ito?

At marami pang iba. Lumitaw na ang ginawa sa Iloilo, kung saan binili muna ang 12.5 ektarya sa bayan ng Pavia, malapit sa airport at Iloilo City, na siyang pinagmumulan ng patubig ng mga palayan na ari ng magsasaka. At matapos na gawin ito at mawalan na ng patubig ang mga katabing lupain, at saka binili ang halos 200 ektaryang katabi, upang gawing subdivision. Ang Iloilo ay isa sa pinakamalawak ang tubigan at palayan sa buong bansa. Kaya pala tayo kinakapos sa bigas, dahil nagawa ng subdivision ni Villar!
At hindi lang iyan. Pinondohan ang pagpapagawa ng kalsadang patungo sa kanyang subdivision (pangalan ay Savannah) ng pera ng bayan! Hindi ba malinaw na paggamit ng kapangyarihan para yumaman? Hindi ba malinaw na pang-aabuso? Hindi ba malinaw na inisahan at ginipit ang mga magsasaka, para sa sariling interes?

Mapagkakatiwalaan ba natin si Manny Villar, gaya ng sabi sa atin sa pagkamahal-mahal na advertisement na tinatampukan ng Hari ng Komedya na si Dolphy? Mag-isip-isip naman sana ang bayan.

0 comments:

Post a Comment

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...