.

Reaction on Villar's mother Nanay Curing and her presscon drama

>> Wednesday, April 28, 2010

Kung sinuman ang nakaisip na mag-press conference ang nanay ni Villar ay dapat sibakin kaagad.

Hindi nakatulong ang mga sinabi ni Nanay Curing na bulag na ngayon. Dapat tahimik na lang siya. Dapat alam niya na walang iginagalang ang pulitika. Hindi siya dapat magdamdam sa maraming masasakit na salita na sinasabi sa anak niyang si Sen. Manny Villar na may ambisyong maging pangulo.

Sa salitang kalye, “paawa effect” ang labas ng press conference. Ang problema, wala namang naawa. Bagkus, ilan ang nagalit kay Villar dahil pati sariling ina ay kinaladkad sa pulitika.

Natatandaan ko noong malapit ng masibak si Heherson “Sonny” Alvarez bilang Secretary of Environment and Natural Resources. Inikot ng kanyang ina halos lahat ng diyaryo.

Nagtrabaho rin ang asawa niyang si Cecile Guidote. Pero sa bandang huli, sibak din sa puwesto si Alvarez.

Sa tingin ko, lalo lang nagalit si GMA sa ginawang paawa effect ng asawa at ina ni Sonny. Kaya tinuluyang sibakin.

Marami ang lumabas na hindi maganda sa press conference ni Nanay Curing Bamba, ina ni Manny Villar. Una, sa dami ng kayamanan ng anak na senador, bakit sa BF Homes lang nakatira si Nanay Curing?

Dapat kung doon man, malaki ang bahay at lote. Hindi katulad ng tinitirhan niya ngayon.

Ano ang ibig sabihin nito tungkol sa pagkatao ni Villar? Ang ibig sabihin, halos pabayaan niya ang ina at kapatid sa kabila ng laki ng kanyang kayamanan na ang iba ay hindi raw sa malinis na paraan nakuha.

Hindi luluha ang mga taong nakinig sa sinabi ni Nanay Curing. Hindi rin kakampi sa anak niya ang nakinig dahil sa awa sa kanya.

Alam ng lahat na marumi ang pulitika sa bansang Pilipinas. Kung tapunan ka ng putik, gumanti ka na lang. Huwag kang magmakaawa. Ang mga botante ay walang awa sa sinumang kandidato bagaman may napili na silang iboboto.

Ang basehan ay ang palagay na kakayahan. Hindi awa na idinaing ng isang ina.

Kung awa ang pag-uusapan ‘di lalong kawawa si Noynoy Aquino. Pinatay ang ama noong panahon ng Martial Law ni Ferdinand Marcos.

Naging pangulo ang ina dahil nga sa ginawang pagpatay sa asawa. Ibinalik ang demokrasya pero ganun pa rin ang hirap na pinapasan ng Pilipino.

Namatay si Cory sa cancer. Pagkatapos, parang hiniling ng bayan na ipagpatuloy ng anak, si Noynoy, ang misyon ng magulang.

Magandang katwiran iyan para iboto si Noynoy.

Pero kung hagulhol ng ina ni Villar ang gagamitin para dumami ang boto ng anak, palagay ko hindi mangyayari. Walang dahilan para maawa ang mga botante kay Villar dahil sa pagluha ng kanyang ina.

Lahat ng ina ay nagmamahal sa anak. Pero iba ang takbo ng isip ng mga botante. Hindi naman sila anak ni Aling Curing. Bakit sila boboto kay Manny Villar dahil lamang sa pagtangis ng ina sa ginawang pang-aapi sa anak, kung inaapi nga?

Nagalit pa si Nanay Curing sa ilang taga-media, kasama ang kolumnista naming si Arnold Clavio.
Dapat patunayan na lamang ng kampo ni Villar na sinu­ngaling si Arnold. Hindi ginawa. Kaya baka tumalab sa isip ng tao ang sinabi niya.

Katwiran ba iyan para magalit kay Arnold at mga kasama na bumatikos kay Villar? Palagay ko hindi.

Bilyon na ang nagastos ni Villar sa ads sa TV at radio. Pero hindi dahilan iyan para kampihan siya ng mga TV at radio station. Iba ang hanapbuhay ng mga stations na iyan kaysa tungkulin ng mga nagtatrabaho sa media.

Iyon lang, hindi pa naintindihan ng mga tao ni Villar. Hindi sila marunong mag-isip. Nasa kawali na ang kanilang amo, itinalon pa sa apoy sa press conference ni Nanay Curina Bamba, butihing ina ni Manny.

[ABANTE]

More on Villar's mom: Erap Estrada: Villar 'desperate' for using own mom; citizens reacts too

0 comments:

Post a Comment

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...